Default Thumbnail

Respeto, malasakit sa mga seniors!

January 22, 2024 Paul M. Gutierrez 407 views

PaulMAINIT ang usapan hinggil sa mga insidente ng pagtanggi sa pagbibigay ng diskwento ng ilang establisimiyento sa ating mga senior citizens, na umani ng batikos at mga panawagan ng masusing imbestigasyon.

Ang nakakagulat, malalaking negosyante pa ang sangkot sa paglabag sa Expanded Senior Citizens Act. Kumbaga, sila ang dapat manguna sa pagpapatupad, sila pa ang mga “pasaway,” aguy!

Mantakin n’yo mga kabayan, isang hotel at isang kilalang coffee shop (na nasa halos P200 ang pinaka-murang kape), ang tumanggi sa pagbibigay ng discount sa ating mga nakatatanda!?

Hindi kaya nakakahiya sa mga ito, kung malalaman nila na ang mga ordinaryong restaurant at apartelle ay tumatalima sa pagsunod sa itinatakda ng batas?

Hindi lang senior citizens ang kasama sa batas na ito, maging ang mga persons with disability (PWD). At bilang principal author ng batas na nagpapalawak sa mga benepisyo at pribiliheyo ng PWDs, tama ang hakbang ni House Speaker Martin Romualdez na magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso sa mga paglabag na ito.

Naniniwala tayo, na sa mahusay na liderato si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay may mananagot at mapaparusahan, upang magsilbing aral at babala sa iba na hindi sumusunod sa batas.

Marahil ay hindi natatakot ang mga establishments na ito dahil wala pang napaparusahan. Sana ay maging mahigpit din ang mga local government units (LGUs) sa pagtiyak na mahigpit na ipinatutupad sa kanilang nasasakupan ang batas para sa seniors at PWDs.

Naniniwala tayo, mga mahal na seniors, na hindi lamang ito ang naunang paglabag. Marahil, ito lamang ang napaulat dahil nagreklamo ang mga biktima.

Kalimitan, binabalewala na lamang ng ating mga nakatatanda dahil ayaw na nila ng abala at inip sa haba at tagal ng proseso kapag nagreklamo.

Bakit natin ito tinatalakay dear readers? Hindi lang ito isyu ng paglabag sa batas, kundi usapin ng respeto at pagkilala sa ating seniors. Sa ganang atin, ginawa ang batas na ito bilang pagpupugay sa ating mga nakatatanda sa mahabang panahon ng kontribusyon at serbisyo nila sa ating lipunan.

Halimbawa, kung ang isang 60-anyos na guro ay nagsimula magturo nung edad 20, ibig sabihin ay 40 taon ang ginugol niya sa pagsasakripisyo at pagmamalasakit sa mga estudyante niya. Bukod pa ang buwis na kinakaltas bilang ambag sa ekonomiya ng bansa.

Kaya sa ganang atin, ang pagbibigay ng diskwento ay maliit na bagay kung tutuusin, kumpara sa naging ambag at malasakit nila sa ating lipunan.

Sa ating pagtaya, ginawa ang batas bilang kurtesiya, paggalang at pagkilala sa malaking papel na ginampanan ng ating mga seniors nu’ng panahon na nagsisilbi pa sila sa ating lipunan. At marapat lamang na suklian natin, kahit sa maliit na paraan, ang kanilang naging sakripisyo.

Kaya apela natin sa mga negosyante, tumupad sa batas at ibigay ang nararapat na benepisyo at respeto sa ating mga senior citizens. Period!

AUTHOR PROFILE