Bomb Ang note, “Bomb”, na natagpuan ng mga imbestigador sa lavatory ng eroplano. Larawan mula sa CAAP

BICOL AIRPORT BINULABOG NG BOMB JOKE

October 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 391 views

PANSAMANTALANG sinuspinde ang operation ng Bicol International Airport sa Daraga, Albay nitong Lunes ng umaga dahil sa bomb joke.

Sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, dakong 10:45 ng umaga ay pinatigil ang paglipad sana ng isang eroplano ng Cebu Pacific nang makakita ng note sa loob ng palikuran nito patungkol sa bomb joke.

Apektado ng suspension ng operations ng airport ang limang arriving at departing flights ng Cebu Pacific, ang PR 2915 at PR 2916 ng Philippine Airlines at isang international flight.

Ayon kina manager Roland Bocito at Area Center 5 manager Cynthia Tumanut, kabuuang 10 Cebu Pacific flights ang na-delay habang ang Philippine Airlines flight na patungo sanang Bicol International Airport ay pinabalik sa Maynila.

Agad namang rumesponde ang CAAP Aircraft Rescue and Fire Fighters sa insidente at bilang bahagi ng precautionary measure, isinara pansamantala ang runway at prinoseso ang mga pasahero sa Parking Bay No. 2.

Pinababa rin ang mga pasaherong naapektuhan ng insidente at pansamantalang pinatuloy sa arrival area para sa security inspection.

Nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng CAAP-Security and Intelligence Service personnel at katuwang ang Aviation Security Canine (K-9) Bomb Disposal units at Philippine National Police-Aviation Security Unit (PNP-AVSEU) sa screening ng mga bagahe at hand carry items ng mga pasahero.

Makalipas naman ang ilang oras, balik operasyon na ang Bicol International Airport dakong ala-1:35 ng hapon, makaraang maapektuhan ang 130 pasahero ng Cebu Pacific flight na nailipad din patungong Maynila.

Sa imbestigasyon, natagpuan ang isang note na “Bomb” sa lavatory ng eroplano, ayon sa mga awtoridad.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng CAAP katuwang ang PNP-AVSEU upang matukoy ang nasa likod ng bomb joke incident. Ni ZAIDA DELOS REYES & JUN I. LEGASPI