Pia

Pia, nag-apologize kay Ricky Lee

September 21, 2023 Vinia Vivar 373 views

Nag-apologize na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach kay National Artist for Film and Broadcast Ricky Lee hinggil sa hindi magandang nangyari kamakailan sa Manila International Book Fair (MIBF).

Ito ‘yung kontrobersyal na insidente kung saan ay hinarang ng marshall si Ricky nang batiin at kamayan siya ni Pia sa book launching ng Miss U ng kanyang librong Queen of the Universe: A Novel sa MIBF sa SMX Convention Center, Pasay City.

Nag-viral ang video kung saan ay makikitang naglalakad si Pia papunta sa stage habang nakapaligid sa kanya ang security team.

Nang matapat siya kay Ricky, isa sa invited guests, kinamayan niya ito pero kitang-kita na humarang ang isang marshall at naputol ang kanilang kamayan.

Umani ng katakut-takot na batikos ang ginawa ng security guard na hindi yata kilala ang National Artist. Ipagpalagay na ngang hindi niya kilala, kabastusan naman ang ginawa nito na humarang siya sa gitna nina Pia at Ricky na nagbabatian at nagkakamayan.

Sa show ni Boy Abunda kagabi ay sinabi ng host na nakausap niya ang beauty queen hinggil dito at sinabi nitong nag-reach-out na siya kay Ricky regarding the unfortunate incident.

“Nag-reach-out na si Pia, even if it was not Pia’s fault, to apologize, to say sorry na nangyari ito,” pahayag ni Kuya Boy.

“So, naayos na ito pero leksyon ho sa atin dahil importante na tinatrato ho natin – well, no. 1, seniors, no. 2, this was a book fair, this was a cultural event.

“Actually, may batas po, eh, kung paano itinatrato ang mga National Artist,” saad pa ni Kuya Boy.

AUTHOR PROFILE