Brawner

China ibinuking ang pambu-bully sa WPS

August 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 393 views

IBINUNYAG ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa naganap na Indo-Pacific Chief Defense Conference ang mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Nilahukan ng mga defense officials mula sa 20 bansa kabilang ang China’s defense force deputy chief ang conference na ginanap sa Fiji.

“Binanggit natin doon sa ating discussions ‘yung ginagawa ng China. In-expose natin doon sa iba’t ibang bansa,” pahayag ni Brawner.

Pero iginiit umano ng China na sumusunod sila sa international rules pero sa kanila ang South China Sea kasabay ng pagsasabing walang bisa at hindi katanggap-tanggap ang laman ng 2016 arbitration ruling na pabor sa Pilipinas.

Ipagpapatuloy din aniya ng China ang ginagawang aktibidad sa South China Sea.

Matatandaan na noong July 2016 pinaboran ng UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang Pilipinas kaugnay ng kahilingan ng bansa na ibasura ang nine-dash line claim ng China na sumasakop sa kabuuan ng South China Sea kasama ang West Philippine Sea.

Gayunman, hindi kinilala ng China ang panawagan ng Pilipinas na kilalanin ang desisyon dahil illegal at invalid daw ito.