Default Thumbnail

Top NPA leader, 3 pa patay sa engkwentro

August 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 199 views

PATAY ang leader ng New People’s Army (NPA) at tatlo pa nitong kasamahan na isinasangkot sa pagpatay sa football player ng Far Eastern University (FEU) nitong 2021.

Nakilala ang napatay na NPA leader na si Edison Eddie “Isoy” Rosero, 44.

Ayon kay Philippine Army’s 9th Infantry Division (ID) spokesperson Major Frank Roldan, napatay si Rosero sa 30-minutong bakbakan nitong Linggo sa Barangay Jagnaan, San Jacinto, Masbate.

Namatay din sa bakbakan sina alyas Star o Ates; Sheryl, 35; Glenda,46, at Devina, 51, alyas Teyeng.

Sinabi ni Roldan na kumander si Rosero ng Kilusang Larangan Gerilya (KLG) North, Sub-regional Committee (SRC) 4, Bicol Regional Party Committee.

Siya umano ang lider ng NPA na sinasabing responsible sa pagpatay sa FRU football player na si Keith Absalon at sa pinsan nito na si Nolven nitong June 6, 2021.

Ayon sa ulat, nakasagupa ng grupo ni Rosero ang tropa ng 96th Infantry Battalion at Masbate police na rumisponde sa lugar makaraang makatanggap ng tawag mula sa residente hinggil sa presensiya ng mga makakaliwang grupo.

Sinabi ni Roldan na nagbigay ng karampatang hustisya sa pagkasawi ni Keith at Nolven ng pagkakapatay kay Rosero.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang M16-rifles, isang M203 grenade launcher, mga bala at iba pang personal na kagamitan.