Victim Screen grab mula sa viral video ng pumapalahaw sa iyak na holdup victim.

‘Ngawa’ video ng holdup victim nag-viral; suspek tiklo

August 19, 2023 Edd Reyes 426 views

NAG-VIRAL sa social media ang halos walang katapusang pagpalahaw ng iyak ng 29-anyos na delivery rider na muntik nang mapatay ng holdaper na nambiktima sa kaniya sa Parañaque City.

Marami ang nahabag sa sinapit na trauma ng biktimang itinago lang sa alyas “Janjan” nang mapanood sa social media ang matinding pagtangis, matapos bugbugin ng holdaper at tinangkang pagsasaksakin habang pilit na kinukuha ang kaniyang mga personal na gamit.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District Director P/BGen. Roderick Mariano, alas-10:30 ng umaga nito lamang Huwebes nang harangin ng holdaper na armado ng patalim ang biktima sa Cabesang Cecilio Street, Barangay Tambo, at kaagad nagdeklara ng holdap.

Pilit na kinukuha ng suspek kay Janjan ang kaniyang dalang bag na naglalaman ng hindi nabatid na malaking halaga ng salapi na nakolekta niya sa pagtatrabaho bilang delivery service, at cellular phone subalit hindi ito ibinigay ng biktima at sa halip, niyapos niya ng mahigpit ang bag upang hindi makuha sa kaniya.

Dito na nagalit ang suspek kaya’t pinagsasapak siya, pinagsisipa at tinangkang saksakin ng suspek subalit napigilan nang dumating ang ilang kalalakihan sa lugar upang umawat.

Napilitang tumakas ang suspek at dito na nagsimulang pumalahaw ng tila walang katapusan pag-iyak ang biktima na nag-viral kaagad sa social media.

Nang makarating sa kaalaman ni Parañaque police chief P/Col. Reycon Garduque ang pangyayari, kaagad niyang inatasan ang mga tauhan ng Parañaque Police Sub-Station 2 at tauhan ng Intelligence Section na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si Jovi Perido, 33, dakong alas-3 ng madaling araw ng Biyernes, sa tulong na rin ng mga opisyal ng Bgy. Tambo.

Binigyang papuri ni Mariano ang pamunuan ng Parañaque Police at tauhan ng Sub-Station 2 sa mabilis na pagkilos at agarang pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa mga kasong attempted robbery holdup, physical injuries, pati possession of deadly weapon na nakalahad sa Batas Pambansa Bilang 6 matapos makumpiska sa kaniya ang may 16-pulgadang patalim.

AUTHOR PROFILE