Mangingisda muntik mautas sa P300 utang
DAHIL sa P300 utang, muntik nang mamatay ang isang mangingisda nang barilin siya dahil sa umano’y pagtangging magbayad Sabado ng umaga sa Malabon City.
Agad na isinugod ng kanyang mga kaanak sa San Lorenzo Ruiz Hospital si Christopher Borja ng Rodriguez St. Brgy. Dampalit, bago inilipat sa Tondo Medical Center upang isailalim sa operasyon sa isang tama ng bala.
Tumakas naman sakay ng kanyang bisikleta ang suspek na si Amadro Bernardo papunta sa Masipag St. DMCI, Brgy. Tanza, matapos ang pamamaril.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgts. Julius Mabasa, Rockymar Binayug, Jeric Tindugan at P/Cpl. Rocky Pagindas na pinuntahan ng suspek ang biktima sa Damzon St., Brgy. Dampalit dakong alas-7 ng umaga para singilin.
Pero imbes na magbayad, nagkaroon ng komprontasyon ang dalawa nang tumangging magbayad ang biktima hanggang sa barilin siya ng suspek.
Nang makarating sa kaalaman ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang pangyayari, inatasan kaagad niya sina P/Maj. Carlos Cosme, Jr. commander ng Police Sub-Station-7 at kanyang deputy na si P/Capt Gary Ignacio na hulihin ang suspek.
Natimbog ang suspek sa Brgy. Dampalit. Nakuha din sa suspek ang isang kalibre .357 magnum revolver na may dalawang bala.