
Uncle Sam nat’l, bugaw huli sa sex trafficking
ARESTADO ang isang Amerikano habang nakatakas ang kasama nito noong Huwebes nang salakayin ng mga pulis ang isang hotel na ginagamit sa sexual exploitation sa Angeles City, Pampanga.
Nailigtas naman ang dalawang menor de edad na babae sa nasabing sex exploitation den.
Sa report kay PRO 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ng Angeles City police ang mga suspek na sina Robert Carlos Ramirez alyas Kyle/Kalbo Reynoso, 46, ng Jo Carter’s Hotel and Suites sa Malabanias, Angeles City; at ang isa “bugaw” na nakilalang si alyas John, ng Malabanias, Angeles City.
Ayon sa Angeles City police, naaresto ang dayuhan sa loob ng Hafa Adai Court Hotel na matatagpuan sa Bgy. Malabanias, habang kasama ang dalawang dalaga na may edad 15 at 17.
Ayon sa rekord ng pulisya, nauna nang naaresto si Ramirez sa parehong paglabag.
Nang maberipika ng Angeles City police Anti-Trafficking in Persons Task Group na nakikitang madalas pumunta sa hotel na may kasamang mga kabataang babae ang dalawang suspek, agad naglunsad ang mga ito ng entrapment sa pangunguna ni Angeles City police chief Lt. Col. Deonido Maniago.
Bandang 10 p.m. nitong Miyerkules, matapos ipaalam ng mga tauhan ng Hafa Adai Hotel sa operating team na nag-check-in ang suspek sa hotel kasama ang dalawang babaeng menor de edad, agad na inaresto ng pulisya ang suspek.