NBP

Manok di tao nakita sa poso negro

August 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 336 views

WOW mali! Manok at hindi pala tao ang nakitang buto sa loob ng septic tank o poso negro sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang naging paglilinaw ni Dr. Annalyne Dadiz, miyembro ng medicolegal team ng National Bureau of Investigation, sa naganap na pagdinig ng Justice and Human Rights Committee ng Senado na ginanap sa Bureau of Corrections nitong Martes sa Muntinlupa City.

“We have one piece of bone and this is not of human origin… In all likelihood, through the process of comparison, it is consistent with chicken leg bone,” pahayag ni Dadiz.

Lumalabas aniya sa isinagawang forensic identification ng ahensya na ang butong nakuha sa septic tank ay hindi tao.

“We conducted the process of forensic identification and through this process we made use of elimination and comparison and we concluded that it is not of human origin,” dagdag pa ng doktora.

Paliwanag pa niya, malaking tignan ang buto sa larawan dahil naka-zoom aniya ito nang kunan.

Kung ikukumpara aniya ito sa buto ng hita ng manok ay hindi maipagkakailang sa manok nga ang buto at hindi sa tao.

Sinabi pa ng doktora na isang buto lang din ang nakita sa septic tank.

Matatandaang dahil sa nakitang buto sa septic tank ay may mga opisyal ng NBP na nagbigay ng mga pahayag na posibling ginawang mass grave ang poso negro sa bilibid.

Nauna nang inihayag nitong nakaraang linggo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may nakitang putol na bahagi ng katawan ng tao na nakita sa septic tank ng NBP.

Pinaniniwalaan na bahagi ito ng katawan ni Michael Cataroja, ang nawawalang preso mula pa noong July.

Gayunman, kamakailan lang ay inamin ng kalihim na fake news ang kaniyang impormasyon at hindi pa rin malinaw kung nasaan si Cataroja.