Posas

MISIS KINATAY KA-CHAT NI MISTER!

August 8, 2023 Melnie Ragasa-limena 306 views

NAG-UGAT umano sa selos ang pananaksak ng isang babae sa kapuwa niya babae, matapos umano niyang mahuli na ka-chat nito ang kaniyang asawa.

Namatay sa isang tama ng saksak sa likod ang 23-anyos na biktima na residente ng Barangay Gulod sa Novaliches.

Agad namang naaresto ang sumaksak sa biktima na residente rin ng nasabing barangay at isang online seller.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente alas-10 ng gabi ng Agusto 7 sa kahabaan ng Sta. Barbara Street sa Bgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakasakay umano ang biktima sa isang pedicab kasama ang kaniyang kapatid nang bigla na lang umanong sumulpot ang suspek na may hawak ng kutsilyo.

Agad umanong sinaksak ng suspek ang biktima sa likod na bahagi ng katawan at tumakas.

Dinala ang biktima sa Novaliches General Hospital pero idineklara itong dead on arrival.

Naaresto naman ang suspek ng mga rumespondeng pulis.

Napag-alaman na nagalit umano ang suspek matapos makita na ka-chat ng biktima ang kaniyang asawa.