Default Thumbnail

Biktima ni Dodong, habagat 1,419 na

July 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 267 views

AABOT sa 1,419 katao o 400 pamilya ang inilikas dahil sa walang tigil na ulan dahil sa bagyong Dodong at southwest monsoon sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Umaabot naman sa P267,000 ang halaga ng tulong ang naiabot ng gobyerno sa mga biktima ng masamang panahon sa Ilocos region, Central Luzon at Mimaropa.

Base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, kasalukuyang namamalagi sa 36 evacuation centers sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas ang mga apektadong pamilya.

Nasa 89 katao o 54 pamilya naman ang nananatili sa labas ng evacuation centers.

Sa tala ng ahensya, mula sa 39 barangay sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga apektadong pamilya.

Dahil sa sama ng panahon, nagkansela din ng klase ang 66 na lungsod at munisipalidad, 23 biyahe sa seaports at nawalan din ng supply ng tubig at kuryente sa iba’t ibang lugar.

Nasa 17 kalsada at tatlong tulay sa Ilocos region ang hindi madaanan.

Nakapagtala din ang ahensya ng 29 insidente ng pagbaha, landslides at isang pagguho ng istraktura.