
Vintage bomb nahukay sa UST
ISANG vintage bomb ang natagpuan sa isang construction site sa University of Sto. Tomas (UST) Martes ng hapon, malapit sa Gate 10 Barangay 470 sa Sampaloc, Maynila.
Agad na tinawag sa tanggapan ni P/Lt. Col. Roberto Mupas, commander ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station (PS) 14 ang nadiskubreng bomba.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng PS-14 saka kinordon ang lugar bago itinawag sa District Explosive Canine Unit (DECU) sa pangunguna ni PCMS Roderick Kabigting kasama ang mga tauhan nito sa nasabing pamantasan.
Lumitaw sa pagsisiyasat ni P/Capt. Francisco Salazar, hepe ng University Belt Area (UBA) Police Community Precinct (PCP), bandang 3:10 ng hapon nang mahukay ang bomba ng mga construction worker sa loob ng compound ng UST, makaraang itawag ng isang security officer ng pamantasan.
Sa pag-iinspeksyon ng mga tauhan ng MPD-DECU, napag-alaman na ang lumang bomba ay isang anti-tank rifle grenade na umano’y ginagamit ng mga Hapones noong World War II.
Gayunman, wala naman umanong kakayahang sumabog ang bomba ayon sa mga otoridad.