
580 PDLs pinalaya na ng BuCor
AABOT sa 580 preso mula sa iba’t-ibang penal farms ang pinalaya ng Bureau of Corrections o BuCor upang tuluyang mapaluwag ang mga kulungan sa bansa.
Batay sa tala ng BuCor, 168 “persons deprived of liberty” o PDLs ang pinalaya mula sa New Bilibid Prison (NBP). Nasa 123 sa mga ito ay mula sa maximum security prison at dalawa mula sa minimum security prison.
Aabot naman sa 159 preso ang pinalaya mula sa Davao Prison and Penal Farm at 46 mula sa Correctional Institute of Women.
Sinabi ni BuCor Director General (DG) Gregorio Catapang Jr. na 353 sa mga preso ay napalaya dahil sa parole, 102 ang nakatapos na ng kanilang sintensya, at 61 naman ang napawalang sala.
Pinangunahan ni Catapang ang pagpapalaya sa nasabing mga preso sa NBP.
Sinaksihan din nina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla at Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang nasabing aktibidad.