
Holdaper na bumibiktima sa Indian nat’ls, timbog
ISA sa dalawang holdaper na bumibiktima sa mga Indian national ang nadakip ng pulisya sa ikinasang dragnet operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., ang nadakip na suspek, 36, ay nakatira sa loob ng Manila North Cemetery, Bgy. 372, Sta. Cruz, Maynila, habang nakatakas naman ang kanyang kasama na ngayon ay tinutugis na ng pulisya.
Sa ulat na isinumite ni Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., nangongolekta ng kanyang pautang ang biktimang Indian national, 50, dakong alas-5:25 ng hapon ng Lunes sa Happy Site Subdivision, Bgy. Marulas nang tutukan ng baril ng dalawang holdaper na sakay ng motorsiklo at puwersahang kinuha ang P4,500 na koleksiyon bago mabilis na tumakas patungo sa gawi ng McArthur Highway sa Bgy. Karuhatan.
Nagpapatrolya naman sa lugar sina nina P/Cpl. Nicolas Gutierrez at Pat. John Noe Martinez ng Marulas Police Sub-Station 3 na nahingan kaagad ng tulong ng biktima kaya’t mabilis na naitawag sa Tactical Operation Center (TOC) ang deskripsyon ng mga suspek na inilarawan ng biktima, pati ang gamit nilang motorsiklo.
Dito na nagsagawa ng dragnet operation ang pinagsanib na tauhan ng Detective Management Unit (DMU), Station Intelligence Section (SIS) at Bgy. Marulas Police Sub-Station 3 hanggang masakote sa kahabaan ng McArthur Highway ang nadakip na suspek dakong alas-5:53 ng hapon ding iyon.
Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 baril na may tatlong bala, holster, helmet, ang motosiklong Yamaha Mio na kanilang ginagamit sa panghoholdap, pati na ang P4,500 na natangay sa biktima.
Nanawagan si Destura sa iba pang Indian nationals na nabiktima ng mga holdaper na magtungo sa kanilang punong himpilan upang kilalanin kung ang nadakip nilang suspek, na ngayon ay nahaharap sa mga kasong Threat, Intimidation, at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang nambiktima sa kanila.