Default Thumbnail

May rampant fixing at red tape sa BI Cebu

March 6, 2023 Marlon Purification 668 views

Marlon PurificationMARAMING taga-Bureau of Immigration ang natuwa sa inyong lingkod nang bigyang papuri natin ang nasabing ahensiya matapos maaresto ang ‘scammer’ na Chinese national na si Zhao Jintao.

Ito’y dahil sa maagap na pagganap sa tungkulin ng mga taga-BI sa Boracay Caticlan International Airport.

Comment ng ilang taga-BI ay marunong naman pala tayong magbigay papuri sa kanilang ahensiya.

Ang sagot ko naman dito ay responsiblidad natin bilang mamamahayag na iulat sa publiko ang isang pangyayari – negatibo man ito o positibo!

At dahil karapat-dapat saluduhan ang mga taga-BI Boracay-Caticlan, marapat lamang natin ibigay sa kanila ang isang matikas na pugay kamay.

Samantala, isang sumbong ang ating natanggap hinggil sa talamak na red tape at aregluhan daw sa Cebu District Office ng BI.

Diumano, ang mga itinatalagang tao sa ‘window/counter’ ng BI Cebu field office ay hindi mga ‘legal employees’ ng naturang ahensiya, kundi mga ‘volunteers’ lamang.

Kundi naman mga ‘volunteers, ‘ ang tao sa windows ay mga Job Order na mga utility na hindi naman alam ang mga proseso sa pag-apply ng visa.

Delikado ito dahil kaakibat sa sinumpaang tungkulin ng bawat empleyado ng pamahalaan ay ang pagkakaroon ng ‘accountability.’

Ang mga JO o volunteers na ito ang pinakikinggan na rin daw ng mga alien control officer para ma-process at mapirmahan ang mga application.

Mistulan silang mga ‘fixers’ sa Land Transportation Office (LTO) na kung walang lagay ay hindi uunahing asikasuhin ang papeles ng isang may transaksiyon sa BI-Cebu office.

Ayon sa sumbong, iyong kaya tapusin ng isang araw na transaksiyon ay dine-delay umano para mas malaki ang bayad o lagay.

Dapat tawagan din ng pansin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang isang Immigration Officer kung bakit may report na simpleng visa extention lang bukod sa OR at Miscellaneous Fees ang dapat ibayad ng aplikante ay may naniningil pa ng additional P500 per passport.

Kapag hindi raw kasi nagbayad ng P500 ay hindi makukuha ‘within the day’ ang visa extention at malamang ay abutin pa ng isang linggo o higit pa.

Ang nasabing immigration officer po ang sinasabing hearing officer ng mga applicants ng mga visa na working at permanent residence visa.

Magandang malinawan ito ng BI dahil may report din na P7,000 daw po ang asking price para ma-endorse ang isang visa application.

Kapag hindi magbayad ng hearing fee ay mga three months muna bago ma-endorse at forward sa manila ang applications nila.

Sa mga susunod na kolum natin ay iisa-isahin pa natin ang ilang sumbong sa BI Cebu.

At bago sana magalit sa atin sina Commissioner Tansingco, at iba pang immigration officers, gusto kong linawin na ang sinasbi natin dito ay maipaliwanag nila punto por punto kung gaano katotoo ang mga ganitong uri ng kalakaran, alang-alang na rin sa prinsipyo ng Good Governance.