Default Thumbnail

Sto. Niño fiesta sa Tondo, Pandacan pinaghahandaan na rin

January 4, 2023 Jonjon Reyes 1743 views

HINDI pa man sumasapit ang pagdiriwang ng araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo, pinaghahandaan na rin ang fiesta ng Sto. Niño sa Tondo at sa Pandacan sa ikatlong linggo ng Pebrero.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo lll, nitong Miyerkules ay nagsagawa na sila ng plano sa darating na kapistahan sa Sto. Niño de Tondo, may ilang metro lamang ang layo ng simbahan sa Manila Police District (MPD) Moriones Police Station (PS) 2.

Katuwang sa plano si P/Major Mark Christopher Del Mundo, deputy chief at si P/Maj. Joseph Jimenez, chief intel at block commander ng Asuncion Police Community Precinct (PCP), sa seguridad ng pagdiriwang.

Habang nasa conference room ng nasabing himpilan ng pulisya sa panulukan ng J. Nolasco at Morga Streets sa Tondo, ay kasama rin sa pagpupulong sina Msgr. Jerome Reyes, parish priest ng Sto. Niño at ang mga punong barangay na sumasakop sa pista sa Tondo, upang magbigay ng payo sa ilalatag na seguridad.

Layunin ni Lorenzo na pangalagaan, manatiling payapa at maging masaya ang mga mananampalataya, mga deboto at residente sa lugar para maidaos ng matiwasay ang pagdiriwang.

Nangako rin ito na pipigilan ang anumang bantang panggugulo sa mga lugar at pagpipigil sa mga kriminalidad sa nasasakupan ng PS 2.

Bukod sa mga tauhan ni Lorenzo, magdagdag ng kapulisan si P/Maj. Gen. Jonnel Estomo, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ikakalat sa bawat kalye sa Tondo.

Sa Sto. Niño sa area naman ng Pandacan ay sinisimulan na rin ang plano sa pangunguna ni P/Lt. Col. Maria Agbon sa kaparehong petsa ng kapistahan.

Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon para sa patuloy na programang MKK=K o “Malaskit, Kaayusan Kapayapaan and Kaunlaran” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE