Default Thumbnail

9 mangingisda, bangka ‘nilulon’ ng dagat sa C. Norte

July 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 255 views

SIYAM na mangingisda ang nawawala sa karagatang sakop ng Mercedes sa Camarines Norte.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD)- Bicol, nakilala ang mga nawawala na sina Nazario Pardenas, Jay-ar Mocorro, Eric Torres, Armando Fajardo, Ricardo Murao, Rogelio Abines Jr, pawang mga residente ng Barangay San Roque, Mercedes at Anthony Quirante, Edmund Parago at Jhun Calisay ng lalawigan ng Quezon.

Ayon kay OCD-Bicol spokesperson Gremil Alexis Naz, umalis ang siyam na mangingisda sa Mercedes Fish Port noong Martes upang mangisda at nakatakda sanang bumalik sa susunod na araw.

Gayunman, nakaranas ng aberya ang makina ng FB Mutya na sinasakyan ng mga ito.

Isa sa mga mangingisda ang nakahingi ng tulong sa isang bangka upang makabalik sa fish port upang makahingi ng tulong.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang may-ari ng bangka subalit hindi na nila nakita pa ang mga mangingisda gayundin ang bangka.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang bigyang linaw ang insidente.