
9 buwang sanggol nalunod sa estero
NALUNOD ang siyam na buwang gulang na sanggol nang gumapang patungo sa sirang dingding ng kanilang bahay at mahulog sa estero sa Navotas City.
Natuklasan lamang ang bangkay ng sanggol dakong alas-6 ng umaga ng Martes, Oktubre, 25, 2022 nang magising ang kanyang ama na wala na sa tabi ang bunsong anak na katabi niyang matulog, kasama ang dalawa pang batang anak Lunes ng gabi.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi noong Lunes nang magkakatabing matulog ang tatlong bata at kanilang ama na isang mangingisda, sa kanilang tinutuluyang bahay sa Barangay Tangos North.
Nang magising ang ama, wala na sa tabi nila ang sanggol kaya’t kaagad niyang hinanap ang anak hanggang matuklasan sa gilid ng sira nilang dingding na nakababad na sa tubig at wala nang malay.
Isinugod pa ng mangingisda sa Navotas City Hospital ang anak subalit idineklara ng attending physician na patay na ang sanggol.