Default Thumbnail

7 tiklo sa ‘cara y cruz’; 1 nahulihan ng baril sa Sta. Cruz

November 19, 2022 Jonjon Reyes 226 views

HABANG nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District (MPD) dahil sa pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), arestado ang ilang kalalakihan matapos mabuking na nagsusugal sa Sta. Cruz, Maynila, Biyernes.

Nadiskubre sa nasabing operasyon ang pitong nag-uumpukang mga lalaki na nagsusugal o “cara y cruz” at nahulihan ang isa na may sukbut na kalibre .38 na baril na pawang residente rin sa lugar.

Base sa ulat na isinumite ni P/Maj. Rommel Reyes Purisima, hepe ng DSOU, kay MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon, pasado alas 7:30 ng umaga, nang pagdadamputin ang mga nagsusugal sa Aragon Street sakop ng Barangay 343 Zone 34, Sta. Cruz.

Bukod sa kasong paglabag sa Presidential Degree (PD) 1602 (illegal gambling) na inamiyendahan sa Republic Act (RA) 9287, nahaharap din sa kasong paglabag RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isa sa mga suspek.

Ang anim naman na kasama nito ay mahaharap din sa PD 1602 at inaalam pa kung ang mga ito ay may kinahaharap pang kaso o asunto.

Kasalukuyang nakapiit naman ang mga suspek sa DSOU MPD Headquarters sa U.N. Ave., Ermita, Maynila.

AUTHOR PROFILE