
69 dayuhang sex offenders naharang ng BI Jan-June
KABUUANG 69 dayuhang sex offenders ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration simula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang bilang ng mga foreign sex offenders na hindi pinayagang makapasok sa bansa sa unang semestre ng taon ay mas mababa sa 84 alien sex predators na hinarang sa kaparehong panahon noong isang taon.
Sinabi niTansingco na 58 sa mga hinarang ay registered sex offenders (RSOs) o mga mayroong record ng convictions sa sex crimes sa kanilang mga bansa.
Ang iba pa ay mayroong pending complaints o patuloy pang iniimbestigahan sa sex offenses.
Idinagdag ng BI chief, agad na bina-blacklist ng ahensya ang mga dayuhang convicted sa krimeng may kinalaman sa moral turpitude.
Lumitaw sa record na nanguna sa talaan ang 48 Amerikano na sinundan ng apat na Britons at dalawang Australians.
Kasama rin sa talaan ang isang German national, Indonesian, overseas British national, at isa mula sa Papua New Guinea.
Noong isang taon ay inilunsad ng BI ang programang Project #Shieldkids na naglalayong paigtingin ang kampanya laban sa foreign sexual predators na tinangkang manatili sa bansa.