Default Thumbnail

64 na preso sa Nueva Ecija makakaboto sa Mayo ’25

July 23, 2024 Steve A. Gosuico 319 views

TALAVERA, Nueva Ecija–Aabot sa 64 na preso o “persons deprived of liberty” (PDLs) ng Bureau of Jail Management and Penology sa bayang ito ang papayagang bumoto sa halalan sa Mayo 2025.

Ito’y matapos aprubahan ng Commission on Elections ang kanilang aplikasyon para sa voter’s registration at ibasura ng Election Registration Board (ERB) ang oposisyon sa kanilang rehistrasyon.

Bukod sa mga aplikasyon ng mga detainees, inaprubahan din ng ERB ang 1,804 na aplikasyon para sa paglipat ng rehistrasyon at para sa rehistrasyon ng bagong botante.

Dininig ng tatlo kataong miyembro ng ERB na binubuo nina municipal election officer Jose B. Ramiscal bilang chairman, at Atty. Marilou R. Buenaventura, superbisor ng Department of Education, at municipal civil registrar Bleszilda F. Casas, bilang mga miyembro ang mga kaso.

Sa pagdinig, ginamit ni Atty. Melanie Ongcuangco, abogado para sa mga tinutulan ang aplikasyon, ang “best evidence rule” kung saan isinumite niya ang 787 certificates of residency na inisyu ng kani-kanilang barangay hall para sa mga tinutulang aplikante, kabilang ang 64 certificates of detention mula sa jail warden ng BJMP-Talavera.

Sa kanilang desisyon, binanggit ng ERB ang Republic Act No. 8189 (Voter’s Registration Act of 1996), na nagsasabing “Sinumang tao na pansamantalang naninirahan sa ibang lungsod, munisipalidad o bansa dahil lamang sa kanyang trabaho, propesyon…o pagkakulong o detensyon sa mga institusyon ng pamahalaan, alinsunod sa batas hindi dapat ituring na nawala ang kanyang orihinal na tirahan.”

AUTHOR PROFILE