Sunog Inaapula ng mga bumbero ang sunog na umakyat sa 3rd alarm at tumupok sa mga kabahayan na gawa sa light materials kasama ang barangay hall at day care center sa Bgy. 387 sa Arlegui Street sa Maynila Huwebes ng madaling araw. Kuha ni Jon-jon Reyes

6 patay, kabilang kambal na babae sa sunog sa Arlegui

December 29, 2022 Jonjon Reyes 586 views

ANIM na katao ang naiulat na namatay sa sunog kabilang ang kambal na babae sa Arlegui, Quiapo, Lungsod ng Maynila Huwebes ng madaling araw Disyembre 29, 2022.

Nakilala ang mga nasawi sa sunog ay sina Cheska Celine at Cheska Camille Perito, mga kamag-anak na mag-asawang sina Jofae Mae Porio at Rol Daniel Cayetano at ang kanilang anak na si Ronan Cyrus Cayetano at isang hindi pa nakikilalang kapitbahay.

Batay sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas 2:35 ng madaling araw nang tupukin ng apoy ang mga kabahayan sa nasabing lugar at mahigit 550 na pamilya ang nawalan ng mga tirahan.

Ayon sa report ng Arson Division, ilang residente ang nagsalaysay na may narinig silang malakas at biglaang pagsabog na nagdulot ng usok kaya dali-dali silang lumabas sa kanilang bahay upang isalba ang sarili.

Karamihan sa nasunugan ay walang naisalbang kagamitan at ari-arian.

Iniutos naman ni Police Lieutenant Col. Roberto Mupaz, commander ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station 14 na paigtingin ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang uri ng pananamantala gaya ng pagnanakaw.

Napag-alaman naman sa BFP na umabot sa ikatlong alarma ang sunog at dakong 8:00 ng umaga nang ideklara itong fire out.

Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng kabilang barangay ang mga nasunugan habang hinihintay ang tulong mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno habang ang mga bangkay ay pansamantalang inilagak sa Sanctuary Funeral Morgue.

Patuloy pa rin iniimbestigahan nga mga awtoridad kung ano ang naging sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng mga nasunog na ari-arian.

AUTHOR PROFILE