Default Thumbnail

6 katao nailigtas ng Philippine Navy mula sa papalubog na bangka sa Puerto Princesa City

April 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 243 views

ANIM katao ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy Naval Forces West (NFW) mula sa isang papalubog na bangka sa katubigan ng Ulugan Bay, Brgy Bahile, Puerto Princesa City nitong Linggo.

Ayon kay Lt. Joseph M. Ison, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng NFW, nailigtas ng mga tauhan ng BRP Andres Bonifacio (PS17) ang anim na pasahero kabilang ang isang bata mula sa M/B Dexter dakong 11:00 ng tangahali.

Patungo sana ang bangka sa Rita Island para sa isang summer activity nang biglang masira ang makina ng bagka dahilan upang huminto ito sa gitna ng dagat.

Pinapasok na ng tubig ang bangka nang mamataan ng PS17 kaya’t agad na nagpadala si Commander Paul Michael Hechanova ng tauhan upang tulungang iligtas ang mga biktima.

Nang masigurong ligtas na ang mga pasahero ay binigyan ang mga ito ng medical assistance dahil ilan sa kanila ay tumaas ang blood pressure. Ang isang pasahero ay buntis.

Inihatid ang mga biktima sa Barangay Macarascas sa Puerto Princesa City.