Tsino

5 Tsino, 1 Pinoy sapol pamamaril sa CCTV

June 17, 2024 Edd Reyes 73 views

Sa magkapatid na Tsino

TIMBOG ang limang Chinese nationals at isang Pinoy na sangkot sa pamamaril sa magkapatid na Tsino matapos masapol sa kuha ng CCTV ang pagpasok at paglabas nila sa silid ng mga biktima sa tinutuluyang condominium Sabado ng madaling araw sa Paranaque City.

Unang nadakip sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station ng Paranaque police ang Pinoy na tumatayong driver/bodyguard ng mga dayuhan at may dati na ring kaso ng carnapping at robbery na si alyas “Ken” sa tinutuluyan nitong bahay sa Brgy. San Isidro na siyang nagngurso sa mga dayuhan

Ayon kay Tambo Police Sub-Station Commander P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, naaresto nila sina alyas Tu, 42, at alyas Liu, 34, sa magkahiwalay na unit sa condominium tower na nasa loob din ng complex sa Roxas Blvd, habang sa isang hotel naman sa Pasay City nadakip sina alyas “Peng”, 43, at alyas “Deng”, kapuwa residente ng isa ring condominium tower sa naturang lugar.

Ang isa pang Chinese national na si alyas “Cheng” na residente rin ng tower building sa loob ng complex ay nadakip naman sa isang hotel sa Clark, Pampanga.

Ang apat pang mga suspek na kasalukuyan pang tinutugis ng pulisya ay nakilalang sina alyas “Bo”, alyas “Yu”, 32, kapuwa Chinese national at dalawa pang Pinoy na sina alyas “Marlon” at driver na si alyas “Tony”.

Tumatayo umanong utak sa krimen si alyas Bo na nadakip na noong Disyembre ng taong 2022 ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Southern Police District (SPD) matapos masangkot sa kasong coercion at nasa loob lang ng naghihintay na sasakyan kaya’t hindi nahagip ng kuha ng CCTV..

Sa ulat ng tanggapan ni SPD Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nangyari ang insidente ng pamamaril sa magkapatid na sina alyas “Li” dakong alas-12:10 ng madaling araw sa loob kanilang tinutuluyang condominium unit sa Roxas Blvd. Brgy. Tambo.

Naisugod naman kaagad sa Ospital ng Paranaque ang mga biktima at kasalukuyang nasa maayos ng kalagayan makaraang sumailalim sa operasyon.

Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang limang basyo at isang depormadong bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril

Lumabas sa imbestigasyon na may malaking pagkakautang umano ang dalawa sa grupo ng mga suspek na hinihinalang sindikato na nagpapautang sa mga casino players.

Nilinaw naman ni Paranaque Police chief P/Col. Melvin Montante na hindi mga POGO o IGL workers ang mga suspek na ang trabaho ay magpautang lamang sa mga nagsusugal.

Nakumpiska naman ng pulisya sa mga suspek ang dalawang baril, kabilang ang cal. 9mm na nakuha kay alyas “Ken”, dalawang sasakyan, tatlong motorsiklo at ilang cellular phone.

Sasampahan ang mga nadakip na suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at frustrated murder matapos silang iprisinta sa Parañaque Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.

AUTHOR PROFILE