Redrico Maranan

5 tauhan ng DTMU nagsoli ng bag na may pera, pinarangalan

March 20, 2024 Melnie Ragasa-limena 103 views

PINARANGALAN si Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico Maranan at limang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa isinagawang session sa Plenary Hall ng Kongreso nitong Lunes dahil sa dedikasyon at pagiging tapat sa trabaho at pagseserbisyo.

Bukod kay Maranan, binati ni Zamboanga 1st District Congressman Khymer Adan T Olaso sina PLtCol Von Alejandrino, PEMS Rodolfo Calma, Jr., PCMS Jesus Chito Manaois, PMSg Ladislao Constantino, at PMSg Marcial Marquez pawang mga tauhan ng DTMU.

Ang parangal ay dahil sa pagsasauli ng mga tauhan ng DTMU sa napulit nilang plastic bag na may lamang pera.

Nabatid na nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng DTMU nang makita sa EDSA/ Balintawak ang isang asul na pastic bag na naglalaman ng P30,000 at identification card ng isang Edgar Osila.

Agad na hinanap ng mga pulis at hinanap ang may-ari ng pera at ID. Natunton ng mga pulis ang nasa ID sa Balintawak Market at sinabing amo niya na si Rhea Bernardo na isang negosyante ang magmamay-ari ng nawawalang P30,000.

Matapos ang beripikasyon, naibalik ng mga pulis ang nasabing halaga sa tunay na may ari.

“Mula sa pamunuan ng QCPD, taos-pusong ipinapaabot namin ang aming pagbati sa limang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa kanilang natatanging pagganap sa sinumpaang tungkulin” ni Maranan.

Tiniyak ni Maranan na hangga’t siya ang hepe ng QCPD masisiguro ang peace and order at maayos na serbisyo ng mga pulis.