Medina

4 tiklo sa nenok na motorsiklo sa Kyusi

May 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 555 views

ARESTADO ang apat na suspek nang i-post sa social media ang tinangay nilang motorsiklo habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Jayson Claraval, binata, 26, waiter, at nakatira sa Diamond St., Bgy. Tatalon, Quezon CIty.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Remus B. Medina ang mga nadakip na sina Richard Agnote Ryan, 32, ng Tierra Nevada Bgy. San Francisco, General Trias, Cavite; Renz Barredo, 22, ng Sunny Brook 1, Section 2, Bgy. San Francisco, General Trias, Cavite; Arnold Natividad, 48, ng Vicente Cruz, Sampaloc, Manila; at Ronvir Agustin Gebilaguin, 33, residente ng Basilio St., Sampaloc, Manila.

Sa report, bandang 3:30 ng madaling araw ng Mayo 11 nang madakma ng mga operatiba ng Galas Police Station PS-11 ng QCPD, sa pangunguna ng station commander na si P/Lt. Col. Richard Ian T. Ang, kasama sina P/Lt. Sonny F. Cornelio at P/Lt. Jospeh F Canlas, at siyam pang pulis, ang mga suspek sa General Trias Cavite.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Ryan S. Guiquing, bandang ala-12:20 ng madaling araw nitong Mayo 11, nang iparada ng biktima ang kaniyang motorsiklong Mio Sporty na kulay itim sa harapan ng Northline Hardware sa Cabalata St., Bgy. Tatalon pero nang balikan umano niya ito ay nawawala na.

Ilang oras lamang ang nakalipas ay nakita umano ng biktima ang kaniyang nawawalang motorsiklo na agad nang naka-post na “for sale” sa Facebook (FB) Marketplace at ibinebenta sa halagang P23,500.

Nang matiyak na pag-aari ng biktima ang ibinebentang motorsiklo sa FB Marketplace ay agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS-11 sa General Trias Cavite at nakipag-transaksiyon sa mga suspek na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga ito.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A 10883 (The New Anti-Carnapping Law of the Philippines) laban sa mga suspek habang tinutugis pa ang kasamahan nila si John Zacarie Lasam Casauay na nakatakas matapos na makipagbailan sa mga awtoridad. By Melnie Ragasa-Jimena