Default Thumbnail

4 na kelot timbog sa baril, panghahalay

October 28, 2023 Steve A. Gosuico 331 views

CABANATUAN CITY–Nasakote ng mga miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Nueva Ecija ang apat na lalaki, kasama ang isang gunrunning suspek, sa magkakahiwalay na operasyon.

Ayon kay Nueva Ecija CIDG chief Lt. Col. Victor Basil Morales, hinihinalang gunrunner na kinilalang si alyas Mok ang isa sa mga nahuli.

Nahuli si Mok matapos makipag-transaksyon ang mga tauhan ng CIDG para bumili ng cal.45 pistol sa kanyang grupo na nagkakahalaga ng P6,000.

Nadakip din ang isang security guard na may arrest warrant dahil sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act.

Lalong nadiin sa iba pang kaso ang nasabing security guard matapos maungkat ng mga pulis na expired na ang kanyang lisensya para magtrabaho bilang security guard.

Nangangahulugan ito na wala siyang karapatan magdala ng baril kaya makakasuhan siya ng paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code of the Philippines.

Nakuha mula sa suspek ang isang Norinco cal.9mm pistol na may pitong bala at expired na security guard license.

Sa isa pang search operation, nasakote rin ng CIDG-Nueva Ecija ang isang alyas Mario dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act matapos mahulihan ng 9 mm pistol na walang lisensya.

Nadakip din sa General Natividad, Nueva Ecija si alyas Leo dahil sa statutory rape.

AUTHOR PROFILE