Kraft

4-ANYOS DEDO SA LOOB NG WASHING MACHINE

May 29, 2023 Edd Reyes 426 views

NAGWAKAS sa pagdadalamhati ang dalawang araw na paghahanap ng mga magulang ng apat na taong gulang na batang lalaki nang matagpuan ang kanyang bangkay sa loob ng washing machine sa bahay ng kanyang tiyuhin Linggo ng umaga sa Las Piñas City.

Natagpuan ng 34-anyos na ina ang bangkay ng nawawala niyang anak nang umalingasaw ang masangsang na amoy sa silid ng menor-de-edad na tiyuhin ng biktima sa ikalawang palapag na bahay ng kanilang kaanak sa Kalamansti St. Brgy. CAA matapos na mawala noon pang araw ng Biyernes.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nauna ng humingi ng tulong sa kanilang barangay ang lolo ng biktima hinggil sa pagkawala ng kanyang pinakabatang apo matapos umanong lumabas sa kanilang inuupahang bahay sa naturan ding lugar.

Pangunahing suspek sa krimen ang 15-anyos na menor-de-edad na tiyuhin ng biktima matapos mag-post pa umano sa kanyang social media account na nagpapahiwatig na mayroon siyang napaslang bagama’t hindi niya binanggit kung sino.

Nagpahayag pa ang suspek ng pagsisisi sa aniya ay kanyang nagawa at taos-puso siyang nakikiramay sa pamilya ng biktima.

Sa pahayag ng suspek sa pulisya, aksidente ang nangyari matapos umanong mahulog sa hagdanang ang bata at dahil sa pagkataranta nang makitang hindi na gumagalaw ang pamangkin, binuhat at ipinasok niya sa washing machine ang biktima na tinakpan ng tela at pinatungan ng mga papel at libro.

Isinailalim naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad na suspek habang hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsiya sa bangkay ng biktima upang malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Handa namang patawarin ng pamilya ng bata ang suspek na kanila ring kaanak bagama’t dapat umanong managot muna siya sa batas kapag napatunayang siya ang may kagagawan sa pagpaslang sa pamangkin.

AUTHOR PROFILE