Andeng

30 pamilya nabigyan ng 73 piglets bilang panimula ng hanapbuhay

June 20, 2022 People's Tonight 279 views

TATLUMPUNG pamilya ang nabigyan ng mga biik bilang bahagi ng unang batch ng Piglet Dispersal Repopulation ng Lungsod ng Antipolo City sa Lalawigan ng Rizal.

Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, aabot sa 73 piglets ang ipinamigay ng Lungsod sa mag qualified na pamilya, para magamit na panimula sa kanilang hanap-buhay, kasunod na rin ng pahirap na dulot ng pandemya na COVID-19 at ang naging banta kamakailan ng African Swine Fever (ASF).

Pero agad nilinaw ni Mayora Andeng na wala namang ASF sa Antipolo City, at wala ring ibinebentang mga karne na mula sa baboy na namatay mula sa ASF.

Karamihan sa mga nabigyan ay mga backyard hog raisers na naapektuhan dahil sa COVID-19 at nahirapan sa pagaalaga ng mga baboy.

“Kaya tuloy-tuloy ang mga programa tulad ng Piglet Dispersal Repopulation kung saan 30 families ang nabigyan kamakailan ng 73 piglets para sa 1st batch upang maisalba ang kanilang hanapbuhay,” sabi ni Mayora Ynares.

Maituturing na “total package” ang bigay ng siyudad sa mga benepisyaryo dahil hindi lang baboy kungdi maging pagkain at mga gamot nito ay kasama.

“Bukod pa ito sa libreng feeds, nagbigay din ng vitamins at de-wormers upang masigurong lalaking maayos at healthy ang nasabing piglets. Kapit lang,” mensahe ni Mayora Ynares.

Sa mga may tanong, pinapayuhan ang mga taga-Antipolo na makipagugnayan sa City Veterinary Office (CVO) sa numerong (02) 8689-4514 o bumisita sa 2nd floor ng San Jose National High School (SJNHS).

AUTHOR PROFILE