DENR

3 senador sa DENR: Anyare sa resort sa Chocolate Hills?

March 14, 2024 PS Jun M. Sarmiento 81 views

KINALAMPAG ng mga senador ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa kung papaano nagawa ang resort na napakalapit sa Chocolate Hills na itinuturing na protected zone.

Ayon sa tatlong senadora, kinakailangan nilang imbestigahan kung paano naipatayo ang resort sa kabila ng kabilang sa UNESCO World Heritage Site at protected area sa ilalim ng proclamation no. 1037 series ng 1997 at Rep. Act no.7586 o mas kilala bilang National Integrated Protected Areas System ang Chocolate Hills at paligid nito.

Ayon kay Sen. Cynthia Villar, chair ng Senate Committee on Natural Resources, hindi dapat palagpasin ang ganitong pagkakamali lalo pa at maituturing na yaman ng bansa ang naturang lugar.

Sa isang viral post tungkol sa resort lodge na makikita sa pagitan ng Haycock Hills sa Sagbayan, Bohol, na mismong nasa Chocolate Hills Natural Monument (CHNM), nasulyapan ang resort at nahagip ang tinatawag na parte ng development rights sa paa mismo ng bundok.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na hindi dapat kunsintihin ang ganoong structure lalo pa at ito’y kasama sa protected areas sa ilalim ng Expanded NIPAS Act na si Legarda ang may akda.

Sa pahayag naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sinabi nito na nag isyu na sila ng Temporary Closure Order noon pang September 6, 2023 gayundin ng Notice of Violation sa nasabing proyekto nuong Enero 22, 2024 matapos mabatid na open na ito for operation.

Ayon pa rin kay DENR Regional Executive Director Paquito Melicor nag isyu na rin daw sila ng Memorandum nuong nakaraan March 13, 2024, kung saan nagbigay na sila ng direktiba sa Bohol Provincial Environment and Natural Resources Officer Ariel Rica na magsagawa ng tamang pag iimbestiga at magkaroon din ng inspeksyon kung may compliance ang nasabing proyekto na aprubado ng tamang ahensiya ng gobyerno.

Si Legarda na nag file ng Senate Bill No. 494 o ang tinatawag na Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB) bill ay isa sa mga magbubusisi kung paano naisakatuparan ito ng wala man lamang sumita.

Para naman kay Sen. Nancy Binay, na nag file ng resolution no. 967, nais niyang malaman kung sino ang dapat managot sa proyekto.

Iginiit niya na dapat busisiin ng husto kung paano napapayag ang mga opisyales na nasa paligid nito at sino ang mga kasabwat dahil ito ay itinuturin na Bohol’s protected area at isang tourist attraction.