Default Thumbnail

3 obrero nag-collapse, nahulog sa manhole, dedo

March 24, 2024 Melnie Ragasa-limena 83 views

INAALAM ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang naging sanhi ng pagkamatay ng tatlong obrero nang sunud-sunod na mahulog sa bagong gawang manhole nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Loyola Heights, Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Quezon Memorial Medical Center ang mga biktimang 55-anyos na plumber na taga Brgy. UP Campus, Quezon City, at 26-anyos at 23-anyos na kapuwa laborer na naninirahan sa Brgy. Pansol, Quezon City. Ang mga biktima ay pawang mga trabahador ng isang construction company.

Sa report ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nangyari ang insidente nitong alas-10:30 ng gabi ng Biyernes sa bagong gawang sewer manhole na nasa ilalim ng Katipunan Flyover sa AB Katipunan Avenue, Brgy. Loyola Heights.

Ayon kay PSSG Nido Gevero Jr., nagsasagawa ng infiltration and exfiltration test sa naturang manhole ang mga biktima kasama ang kanilang supervisor/engineer sa construction company.

Habang nagsasagawa ng infiltration testing sa loob na bahagi ng manhole ang 55-anyos na biktima, bigla itong nawalan ng malay at tuluy-tuloy na nahulog sa platform sa loob ng manhole.

Inutusan naman umano ng engineer ang dalawa pang biktima na i-rescue ang kasamahan nila subalit maging ang mga ito ay nag-collapse at nahulog din sa platform.

Nabatid sa report ng QCPD-CIDU na may taas na 14 metro ang manhole.

Tinawag ng engineer ang kanyang driver upang kunin ang mga biktima at dinala sa nabanggit na ospital.