Default Thumbnail

3 lawless elements, timbog sa Zambo Sibugay

March 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 214 views

TATLONG miyembro ng lawless elements na suspek sa pagpatay sa isang barangay captain ang inaresto ng pinagsanib ng puwersa ng pulis at militar sa Zamboanga Sibugay.

Ayon kay Maj. Andrew M. Linao, officer-in-charge (OIC) ng Public Information Office (PIO) ng Western Mindanao Command (Westmincom), ang mga naarestong suspek ay pawang mga residente ng Bangkaw-Bangkaw.

Tinuturing ang mga nahuli bilang mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Bangkaw-Bangkaw Barangay Chairman Abubakar Abdurahim Nieto at anak nito noong Hulyo 4, 2021.

Nakuha mula sa kanilang pangangalaga ang isang M16 rifle, apat na cal. 45 pistols, at iba’t-ibang bala at magazines, dalawang granada, tatlong holster para sa kalibre .45 pistol, apat na sling bag, at isang bandolier.

Ang mga suspek ay nadakip sa Purok Pang-Pang, Barangay Bangkaw-Bangkaw, Naga, Zamboanga Sibugay Province nitong Marso 22, 2023.

Ayon kay Joint Task Force ZamPeLan Commander, Maj. Gen. Antonio Nafarrete, inaresto ang mga suspek sa bisa ng search warrant numbers 13, 14, at 15-2023 na inilabas noong Marso 15, 2023, para sa paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Ang mga suspek ay dinala sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Zamboanga para sa dokumentasyon.