
3 hinihinalang tulak huli sa Mabini
KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Tatlong suspek sa pagtutulak ng shabu ang nalambat ng mga pulis sa Brgy. Pulong Niogan, Mabini, Batangas kamakailan.
Nakilala ang mga natiklo na sina alyas Vanessa, alyas Lhanderson at alyas Ziegfred, ayon kay Batangas police director P/Col. Samson Belmonte.
Bandang alas-8:10 ng gabi ng timbugin ng mga pulis ng Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ng Mabini Police ang tatlo sa pakikipag-koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagtangka pang tumakbo ang mga suspek sakay ng Nissan Sentra (XPW 329) nang maramdamang mga pulis ang buyer pero natiklo sa isang roadblock.
Binangga pa ng mga suspek ang patrol vehicle na nagresulta sa pagkasira at minor injuries kina P/Cpl Salavaria at Pat. Pesigan.
Tatlong sachet na may 10.60 gramo ng shabu at may presyong P72,080; isang P1,000 note, tatlong cellphone, improvised tooter at ang Nissan Sentra ang nakuha sa tatlo.