Default Thumbnail

3 cities, 20 bayan sa NE nag-digital market

May 30, 2024 Steve A. Gosuico 389 views

CABANATUAN CITY–Tatlong siyudad at 20 bayan sa Nueva Ecija ang nagpapatupad ng market digitalization bilang pagtalima sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay NE-DTI chief Richard Simangan, nagpatupad ng market digitalization ang mga syudad ng Cabanatuan, San Jose at Palayan at mga bayan ng San Antonio, Cuyapo, Nampicuan, Aliaga, Rizal, Zaragosa, Gabaldon, Santa Rosa, Bongabon, Guimba, Lupao, Talugtug, Carranglan, Quezon, Talavera, Licab, Santo Domingo, Pantabangan, Cabiao at San Isidro.

Ayon kay Simangan, simula noong 2022 hinikayat na ng ahensiya ang pamunuan ng mga pamilihan na i-convert ang kanilang price watch boards electronically para mas madaling ma-access ng mga konsumidores.

Sinabihan din niya ang mga LGUs na itaguyod ang paggamit ng QR codes upang mas madaling mamonitor sa parte ng consumers ang kasalukuyang halaga ng mga paninda sa pamamagitan ng pag-scan lang dito sa mga pamilihan.

Sinabi din ni Simangan na kabilang sa programa na dapat itaguyod ng LGUs ang Paleng-QR Ph Plus ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na isa ring criteria para makamit ang Pinakamaringal na Pamilihang Bayan Award.

Layunin ng programa na hikayatin ang mga mamimili at mga negosyo na gumamit ng digital payments para sa mas konbinyente at mabilis na transaksyon, dagdag ng hepe ng NE-DTI.

AUTHOR PROFILE