Default Thumbnail

25 tiklo sa Laguna anti-crime ops

October 7, 2022 Gil Aman 219 views

UMABOT sa 25 katao ang naaresto sa loob ng isang araw na police operation na isinagawa sa lalawigan ng Laguna, araw ng Huwebes.

Ito ang iniulat ni Laguna Police Provincial Office (LPPO), Officer-in-Charge (OIC), Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, kay Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Police Brigadier General Jose Melencio C Nartatez Jr.

Ang “Warrant Day” ng Laguna PNP (Philippine National Police) ay matagumpay na naipatupad sa pamamagitan ng mga nakalap na impormasyon mula sa aktibong suporta ng komunidad at Barangay Intelligence Network (BIN) sa ibat-ibang barangay sa lalawigan ng Laguna.

Sa kabuuan, nagsagawa ng 25 operasyon ang buong pwersa ng Laguna PNP na nagresulta sa pagkakahuli ng isang regional level “most wanted person” (MWP) at 24 pang ibang akusado. Ang siyam rito ay MWP habang ang 16 naman ay may nakalabas na arrest warrant laban sa kanila.

Ayon kay Silvio, ang isa sa mga nahuli na regional level MWP ay nalambat sa ikinasang joint manhunt operation ng Santa Maria MPS (Municipal Police Station) at 402nd MC RMFB4A sa ganap na 7:00 ng umaga Oktubre 6, 2022 sa Bgy. Poblacion II, Santa Maria, Laguna sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Sheila Marie A. Ignacio, RTC (Regional Trial Court) Branch 80, Morong, Rizal para sa kasong murder at walang piyansang nirekomenda.

Samantala arestado din ang isang MWP sa hiwalay na operasyon umaga ng Okt. 6 sa Bgy. Poblacion II, Santa Maria, Laguna sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng RTC Br. 80, Morong, Rizal para sa kasong murder.

Ang mga naarestong akusado ay nakakulong sa ilalim ng custodial facility ng kani-kanilang operating units, habang ang korteng pinagmulan ng kani-kanilang warrant of arrest ay iimpormahan sa pagkaaresto ng mga akusado.

Sa pahayag ni Silvio, “Ang pagkahuli ng mga akusadong ito ay naging matagumpay dahil sa pagtutulungan ng mamamayan ng Laguna at kapulisan sa pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan sa ating mga himpilan ay mas mabilis nahuhuli ang mga akusado na nagtatago dito sa lalawigan ng Laguna. Kaya nagpapasalamat po kami sa mga [taga-Laguna] sa patuloy na pakikipagtulungan sa ating mga kapulisan.

AUTHOR PROFILE