NDRRMC

25 bahay gumuho sa Nueva Ecija

July 31, 2023 Zaida I. Delos Reyes 648 views

DALAWAMPU’T LIMANG kabahayan ang gumuho matapos na lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga ito dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat at bagyong Falcon sa Nueva Ecija.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga bahay ay matatagpuan sa Barangay Tambo, San Leonardo , Nueva Ecija.

Sinabi ni Zenaida Gutierrez, secretary ng barangay, unang nakaramdam ang mga residente ng dahan-dahan na pagguho dakong 4:00 ng madaling araw nitong Linggo.

Umaabot aniya sa 28 pamilya na katumbas ng 108 katao ang naapektuhan ng pagguho.

Wala namang naiulat na nasugatan o nasaktan sa insidente.

Ang mga apektadong residente ay pansamantalang naninirahan sa itinalagang evacuation center sa San Leonardo.

Matatandaang nito pang nakalipas na Linggo ay patuloy ang pagbuhos ng ulan bunga ng Super Bagyong Egay, Hanging Habagat at ngayon ay bagyong Falcon.