Posas

2 rider na sinita sa helmet, bistado sa baril

December 27, 2023 Edd Reyes 146 views

SA halip na tiketan, ikinulong ng mga pulis ang dalawang lalaking walang suot na helmet habang magka-angkas sa motorsiklo matapos mabistong may dalang baril Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nagsasagawa ng routine police checkpoint dakong alas 4 ng madaling araw ang mga tauhan ng Police Sub-Station 1 sa kanto ng Governor Pascual at Nangka Road, Brgy. Potrero nang parahin nila ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Nang tanungin kung may lisensiya sa pagmamaneho ang driver ng motorsiklo na si alyas “Sandricks”, dito na napansin ng mga pulis ang dala niyang baril kaya’t pinababa sila ng motorsiklo.

Nakuha ay Sandricks ang isang caliber .40 pistol na may magazine na naglalaman ng limang bala habang isang caliber .9mm pistol na may magazine na naglalaman ng apat na bala ang nasamsam sa kanyang ka-angkas na si alyas “Allan”.

Dahil walang maiprisintang dokumento na magpapatunay na may lisensiya at permit to carry ang nasamsam sa kanilang armas, binitbit at kinalaboso ng mga pulis ang dalawa habang ini-impound din ang kanilang sinasakyang motorsiklo na may plakang 4312CU.

Ayon kay Col. Baybayan, kasong paglabag sa R.A. 41336 o ang Land Transportation and Traffic Code, paglabag sa R.A. 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009 at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang isasampa nilang kaso laban sa dalawa sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE