
2 kelot timbog sa pananakot, pagpaputok ng baril sa Rizal
KAMPO MAJOR HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal – Arestado noong Lunes ang dalawang lalaki dahil sa grave threat, alarm at scandal, ayon sa report ni Rizal police director P/Col. Col/ Felipe B. Maraggun kay Police Regional Office (PRO) Calabarzon Regional Director P/Brigadier Gen. Paul Kenneth Lucas.
Noong Mayo 27 ay may natanggap na reklamo ang mga pulis na nagpapaputok ang mga suspek ng baril sa Sitio Ugat, Brgy. Lagundi, Morong, Rizal.
Mabilis na nagresponde ang Morong MPS at nadakip ang dalawang suspek habang ang dalawa pang suspek ay nakatakas.
Narekober ang isang .45 pistol na may apat na magazine at 24 na rounds ng balang kalibre 45, isang kalibre .45, isang magazine at anim na rounds ng bala para sa kalibre 45.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumaan umano ang nagreklamo sa bakod ng mga suspek nang sigawan siya nito na huwag lumapit sa kanila ngunit nagpatuloy ang biktima sa paglalakad.
Pinaputukan umano ang biktima ngunit tumama ang bala sa lupa nito.
Itinutok umano ng isa pang suspek ang kanyang baril sa isa pang lalaki pagkatapos ay binantaan itong umalis sa lugar.