
2 kelot tigok sa pamamaril sa Rizal
DALAWANG lalaki ang napatay ng mga hindi kilalang suspek sa Rizal noong Linggo.
Unang napatay ang isang lalaki nang pagbabarilin sa Sitio Lukutan Maliit, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Linggo.
Ayon sa Rodriguez police, binaril ang biktima bandang alas-2:00 ng madaling araw.
Bigla na lang sumulpot ang suspek na armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at pinaputukan ng malapitan ng ilang beses ang biktima.
Tinamaan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek patungo sa liblib na lugar ng Sitio Gatchi Banbanin sa Bgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Samantala, patay rin ang isang lalaki noong Linggo nang pagbabarilin ng di-kilalang suspek dakong alas-10:40 ng gabi sa Block 18, Makabayan St., Purok 3, Lupang Arenda, Brgy. Sta Ana, Taytay, Rizal.
Lumalabas sa imbestigasyon na gumagala sa nabanggit na lugar ang biktima at kasama nito nang lapitan ng hindi pa nakikilalang mga lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.
Pagkaraan ng ilang sandali, biglang binaril ng isa sa mga suspek ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Block 19, ayon sa imbestigasyon.