
2 kelot naghagis ng pako sa daraanan ng mga jeep, huli
SINAMPAHAN na ng kasong malicious mischief at damage to property ng pulisya ang dalawang tambay na naghahagis ng pako sa kalsadang dinaraanan ng mga pampasehrong jeep sa kasagsagan ng dalawang araw ng tigil-pasada sa Taguig City.
Dinakip ng tauhan ng Barangay Security Force (BSF) ang mga suspek na sina alyas “Larry” at alyas “Jay”, kapuwa 29-anyos na taga-Brgy. Hagonoy matapos makita sila sa nakakabit na CCTV sa MLQ St. sa naturang barangay habang naghahagis ng “spike” na dahilan ng sunod-sunod na pagkaka-flat ng gulong ng mga pampasaherong jeep na hindi lumahok sa tigil-pasada.
Sa ulat na tinanggap ni P/BGen. Mark Pespes, Director ng Southern Police District (SPD) nagreklamo ang kinatawan ng Taguig Transport Service Cooperative na si “Charrize” sa barangay matapos magkasunod-sunod na na-flat ang gulong ng may 10 pampasaherong jeep na kanilang miyembro, pati na ang tsuper na si alyas “Dennis” 40, nang masira ang kanyang gulong sa dami ng pako na bumaon dito.
Sinabi ni Charrize sa kanyang reklamo na umabot sa 15-gulong ng jeep na umaabot sa halagang P97,500 ang nasira sa kanilang hanay habang hindi na rin magagamit ang isang gulong ng jeep ni Dennis na may halagang P2,500.00 dahil sa dami ng pakong bumaon na inihagis sa kalsada.
Hindi naman makapagkaila ang mga suspek sa ginawang paghahagis ng mga pako kapag daraan ang mga jeep na hindi sumama sa tigil-pasada matapos ipakita sa kanila ang kuha ng CCTV sa lugar.
Ayon sa isa sa mga suspek, ginawa niya ito kapalit ng P100 ibinayad sa kanya ng hindi naman niya mabanggit na pangalan ng taong nag-utos umano sa kanila.