Holdup Ang mga holdup suspects. Mga kuha ni JONJON C. REYES

2 holdup suspek timbog

April 10, 2024 Jonjon Reyes 174 views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District Malate Police Station 9 ang dalawang lalaki na pinaniniwalaang nangholdap sa magkahiwalay na lugar sa President Quirino Avenue at Adriatico St., Malate, Manila, iniulat ng pulisya.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Nelson Cortez, hepe ng Malate PS9, ang mga naarestong suspek na sina alyas Sonny, 31, miyembro umano ng Bahala Na Gang, at alyas Haixan, 35,kapwa residente ng Adriatico St.

Ayon sa report ng pulisya bandang alas 10:09 ng gabi nang maaresto si Sonny matapos holdapin nito ang isang online seller habang nakatayo ang huli sa tabi ng Ava Hotel.

Hawak ng biktima ang kanyang cellphone habang hinihintay ang rider na susundo sa kanya nang tutukan siya tube na nakabalot ng itim na goma ng suspek.

“Hold-up ito! Akin na ang cellphone mo kung hindi puputukan kita,” babala umano ng suspek.

Nahuli naman sa isang follow-up operation ng mga kapulisan ng Malate ang isa pang suspek matapos magsumbong ang isa sa mga naholdap umano nito sa President Quirino Avenue.

Ayon sa salaysay ng biktima na isang driver/technician, naglalakad siya patungo sa Adriatico St., nang biglang humarang ang suspek, nagdeklara ng holdup sabay ng pagtutok ng baril.

Puwersahang kinuha umano ng suspek ang OPPO A58 ng biktima na nagkakahalaga ng P12,000.

Matapos holdapin ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.

Agad humingi ng tulong ang biktima sa pulisya kung kaya’t agad naaresto ang suspek.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong robbery, holdup at paglabag sa R.A. 10591.

AUTHOR PROFILE