Posas

2 frustrated murder suspek tiklo sa Nueva Ecija

August 20, 2023 Steve A. Gosuico 399 views

GUIMBA, Nueva Ecija–Timbog ang dalawang suspek sa frustrated murder sa isang 73-anyos na balong babae sa bayang ito nang ituro ng kanilang biktima Huwebes ng gabi.

Nagsagawa agad ng follow-up operation sina Lt. Col. Reynold B. Macabitas at nadakip ang sinasabing gunman sa may Supremo Cockpit sa Bgy. Cawayan Bugtong noong Biyernes.

Nasamsam mula sa suspek ang isang kalibre 45 na may dalawang magazine, isang smoke grenade, isang cellphone at isang Yamaha solo motorcycle.

Sa interogasyon sa suspek, ininguso nito ang mastermind sa krimen na isang 31-anyos na babae, ng Purok 4, Bgy. San Roque.

Nagbayad umano sa gunman ang babae ng P50,000 para patahimikin ang biktima.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang pulisya at agad na dinakip ang sinasabing utak ng krimen sa kanyang hideout sa Bgy. San Roque, Guimba.

Pinuri ni Nueva Ecija police chief Col. Richard V. Caballero si Macabitas sa mabilis na pag-aresto sa suspek at mastermind sa frustrated murder incident na naganap sa Bgy. San Roque nitong Huwebes ng alas-6:00 ng gabi.

AUTHOR PROFILE