Default Thumbnail

2 dedo sa magkahiwalay na aksidente sa Tondo, Intramuros

March 14, 2022 Jonjon Reyes 388 views

DALAWA ang naiulat na namatay sa nangyaring vehicular accident sa magkahiwalay na lugar sa Intramuros at sa Tondo, tanghali nitong Linggo at madaling araw nitong Lunes.

Unang naiulat ang pagkamatay ng isang 45-anyos na babae, bandang ala-12:30 ng hapon sa southbound lane ng Roxas Boulevard sa tapat ng DPWH (Department of Public Works and Highways) sa Intramuros.

Ayon sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), tumatawid umano ang biktima nang mabundol ng rider na si Jun Rey Domingo Arguiles, 30, may asawa at residente ng Evergreen Homes, Pulang Lupa, Las Piñas City lulan ng motorsiklo.

Tumilapon ng ilang metro ang layo at bumagok ang ulo ng biktima sa semento.

Agad namang naisugod ng isang ambulansiya ng Red Cross sa Ospital ng Maynila ang babaeng biktima subalit dakong 3:23 ng hapon nang ideklarang patay ni Dr. Halili.

Dahil dito, nahaharap sa kasong “Rekless imprudence resulting in homicide” ang rider na si Arguiles.

Kaugnay nito, isang 29-anyos na medic volunteer ang nawalan ng kontrol at nagpagewang-gewang habang nagmamaneho ng motorsiklo hanggang sa tumama ito sa poste ng Meralco sa gitna ng Delpan Flyover sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Ellaine Ramos, dalaga, ng Mel Alcalde St., Herbosa sa Tondo.

Ligtas naman ang angkas nitong 8-taong gulang na babae na Grade 1 student, na nagtamo lang umano ng bahagyang pinsala sa katawan.

Batay sa initial na ulat ng MPD (Manila Police District) Delpan Police Station 12, bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong lunes nang maganap ang aksidente sa Delpan Flyover sakop ng Tondo.

Agad naman nilang itinawag sa tanggapan ng MDTEU na nag-imbestiga sa nasabing aksidente.

Salaysay ng isang Jose Adrian Roa, kasintahan ng biktima, habang magkasunod nilang binabaybay ang kahabaan ng tulay ng Delpan, lulan din ng motorsiklo sa southbound lane, nawalan ito ng control sa bandang Tondo area at gumewang hanggang sa matumbok ang isang poste ng Meralco.

Isang ambulansiya ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) ang nagtulong-tulong na maisugod sa pagamutan ang dalaga subalit idineklarang “dead on arrival” dakong 3:49 ng madaling araw.

Una na umanong nakatanggap ng mensahe si P/EMS Orlando Ramos at agad nitong ipinaalam kay P/Maj. Lazaro ng MPD-Station 12 na rumesponde sa lugar. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE