Suspek1 Positibong kinilala ng biktima ang tatlong lalaki na umano’y mga nanggahasa sa kanya, matapos matimbog ng mga kapulisan sa pamumuno ni PLt. Col. Emmanuel Mike Gomez, commander ng Manila Police District-Baseco Police Station 13, sa isinagawang follow-up operation sa Port Area, Manila.

2 DALAGITA GINAHASA NG 3 LALAKI

October 31, 2023 Jonjon Reyes 519 views

DAHIL sa follow-up operation na ikinasa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Baseco Police Station 13, natimbog ang dalawa sa tatlong lalaki na gumahasa sa dalawang dalagita sa Port Area, Manila, iniulat ng pulisya.

Nahaharap sa kasong statutory rape na nakalahad sa Article 268 ng Revised Penal Code na inamiyendahan ng Republic Act 11648, o Act Raising the Age of Sexual Consent, at kasong slight illegal detention ang mga suspek.

Ang mga suspek ay nakilalang mga 25-anyos at 28-anyos na lalaki, habang patuloy na tinutugis ang nakatakas.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Emmanuel “Mike” Gomez, commander ng MPD-Baseco Police Station 13, una nang itinawag ni PLt. Col. Dionelle Brannon, commander ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, ang nangyaring insidente kaugnay sa kasong rape.

Dahil dito, agad na nagsagawa si Gomez ng follow-up operation kasama ang kanyang mga tauhan. Ito’y nagresulta sa pagkakatimbog sa mga suspek sa kanyang area of responsibility sa Port Area.

Sa pangunguna rin nina PMaj. Armando Lingit, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, at ni PCapt. Abdurahman Abdula, hepe ng Police Community Precinct 4, nakalawit naman ang dalawang menor de edad na 14- at 13-anyos.

Nauna rito, bandang 2:30 ng madaling araw nitong Linggo nang halinhinang ginahasa ang dalawang estudyante sa dalawang bahay sa nasabing lugar.

Agad naman nagpaabot ng pasasalamat at papuri si MPD chief, PCol. Arnold Thomas Ibay sa kanyang mga kapulisan sa Baseco at Port Area dahil sa mabilis na aksyon ng mga ito at agad na naaresto ang mga suspek, habang patuloy pang tinutugis ang isa sa mga suspek.

AUTHOR PROFILE