Sanggol Source: PNP FB file post

18 socmed accounts na nagbebenta ng sanggol sa online naipasara na

June 18, 2024 Chona Yu 132 views

Aabot sa 18 mula sa 23 na social media accounts na nagbebenta ng sanghol o bata s online ang naipasara ng National Authority for Child Care (NACC) at ng Philippine National Police.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Imelda Ronda, Domestic Administrative Division Chief ng NACC na limang social media accounts na lamang ang tinututukan ng kanilang hanay ngayon.

Ayon kay Ronda, iba pa ito sa sinasabi ng Department of Justice na 500 na social media accounts na nadiskubreng sangkot sa kaparehong iligal na gawain, inimbestigahan at ipinasara.

Ayon kay Ronda, patuloy silang nakikipagtulungan sa PNP para maipasara ang iba pang mga social media accounts

Aminado naman si Ronda na madali lamang magbukas muli ng account sa ilalim ng bagong pangalan kaya kailangan talaga aniyang patuloy na mamonitor ang mga nasa likod ng bentahan ng sanggol online.

Sa ngayon sinabi ni Rondda na nakakulong sa Camp Crame, Quezon City ang tatlong nahuli sa dalawang insidente.

Unang insidente aniya ay noong Mayo 15 sa Dasmarinas, Cavite, kung saan isang nagpakilalang kawani ng local government unit sa Dasmarinas ang nahuli kasama ang nanay mismo na nagbenta ng sariling sanggol.

Ayon kay Ronda, kapapanganak lamang noon ng nanay at halos walong araw pa lamang ang sanggol nang ito ay kaniyang ibenta, sa presyong P30 000 na umabot sa halos P90,000 dahil sa patong pa ng ahente na P50,000.

Ayon kay Ronda, ang ikalawang insidente ay nitong Hunyo 1 sa Catarman, Samar kung saan nailigtas ang dalawang bata.

Tinangka itong ibenta ng nanay sa 30,000 bawat isa.

Ibinenta aniya ang dalawang buwang gulang na batang lalake at nang magkita na sila ng buyer ay isinabay na ang pagbenta rin sa isa pang anak na dalawang taong gulang naman na batang babae.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng local na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na sanggol.

AUTHOR PROFILE