Default Thumbnail

16-anyos arestado sa pagpatay ng 5 miyembro ng pamilya sa Masbate

August 30, 2021 Zaida I. Delos Reyes 452 views

ISANG 16-taong gulang na lalaki ang inaresto makataaang patayin sa saksak ang limang miyembro ng pamilyang kanyang nilooban nitong Sabado ng gabi sa Baleno, Masbate.

Dinala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang suspect na itinago sa pangalang Marc, out of school youth (OSY) at residente ng Barangay Tinapian sa naturang lalawigan.

Napatay ng suspect ang limang biktima na nakilalang sina Jennifer Adigue, 40-anyos, dalaga; Adela Cortes, 67-anyos; Jesus Adigue, 70-anyos; Joyce Albis, 17-anyos at Kristelle Albis, 14-anyos habang sugatan ang 13-anyos na si Angel Albis.

Ayon kay Police Region Office 5 Director, BGen. Jonel Estomo, naganap ang insidente dakong 11:00 ng gabi sa tahanan ng biktima sa Barangay Tinapian.

Natutulog umano ang mga biktima nang pasukin ng suspect ang bahay at tinangkang nakawon ang cellphone ni Joyce subalit nagising si Kristelle na napasigaw dahil sa pagkagulat.

Dahil sa pagsigaw ay agad na inundayan ng saksak ng suspect si Kristelle at isinunod ang lima pang miyembro ng pamilya.

Matapos ang pananaksak ay kampanteng umalis ang suspect sa pag-aakalang napatay lahat ang mag-anak.

Bagamat nasaksak ay hindi naman natuluyan si Angel na nagpapagaling ngayon sa pagamutan.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Noli Manlapas, dakong 8:00 ng umaga nitong Linggo, nagtungo sa kanilang himpilan si Analiza Gutierrez at idinulog ang malagim na sinapit ng mga biktima dahilan upang agad na rumisponde ang mga alagad ng batas.

Agad ding naaresto ang batang suspect na kinilala ng survivor.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.