Default Thumbnail

15-anyos ‘ginahasa’ na ng ama ‘binlackmail’ pa

April 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 275 views

ISANG ama ang nagbantang magpakamatay kung magsusumbong ang 15-anyos na anak sa panggagahasa umano ng una sa dalagita nitong Miyerkules sa lungsod Quezon.

Nasa kustodiya naTalipapa Police Station ang 33-anyos na suspek na construction worker.

Sa imbestigasyon ng pulisya nangyari ang insidente bandang 3 a.m. ng April 19, 2023.

Natutulog umano ang biktima nang tabihan ng suspek at pagsamantalahan umano ito.

Nagising ang biktima na wala ng saplot at nakadagan sa kaniya ang sariling ama.

Akmang gigisingin na ng biktima ang nakababatang kapatid na lalaki na katabi niyang natutulog upang humingi ng tulong nang tumigil ang suspek sa ginagawa sa kaniya.

Agad na nagtungo ang biktima sa bahay ng kaniyang tiyahin ngunit sinundan siya ng kaniyang ama at nagbantang magpapakamatay kapag nagsumbong siya.

Kinabukasan habang nasa trabaho ang suspek ay nagtungo uli ang biktima sa bahay ng kaniyang tiyahin at pinagtapat ang ginawa sa kaniya ng suspek.

Agad na nagreport ang biktima sa Talipapa Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8353, also known as “The Anti-Rape Law of 1997,” ang suspek nakatakdang kasuhan sa Quezon City Prosecutor’s Office.