
13 BIFF members tiklop na
LABINGTATLONG miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa gobyerno noong Huwebes sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Dennis C. Almorato, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Nagbalik-loob ang mga dating rebelde sa gobyerno sa isang simpleng seremonya sa himpilan ng 1BCT sa Barangay Pigkalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Isinuko din nila ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng 50 caliber Barrett, Sniper rifle, Grenade launcher, RPG at mga bala.
Sinabi ni Brigadier General Leodivic Guinid, Brigade Commander ng 1BCT, patunay lamang na seryoso ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kababayan nating naligaw ng landas ang pagsuko ng mga dating rebelde.
“Hindi sagot ang dahas sa anumang isinusulong na adhikain, narito ang inyong gobyerno na handang makinig sa inyong mga hinaing upang bigyan ng solusyon ang anumang ipinaglalaban ninyo,” pahayag ni Guinid.
Bilang pagtanggap sa kanilang pagbabalik-loob, pinagkalooban ng pamahalaan ng tulong pinansiyal, tig-iisang sako ng bigas at food packs ang mga sumuko mula sa MSSD BARMM.
Mula sa Karialan at Bungos faction ng BIFF ang mga sumuko.
Pinuri naman ni Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Centra,l ang mga pagsisikap na ito ng 1BCT sa ilalim ng operation Control ng JTF-Central.
Sa ngayon, nasa 115 na ang mga rebelde ang nawawala sa BIFF dala ng pagsuko ng marami nitong miyembro.
Sa nasabing bilang, isa ang naaresto, 17 ang nasawi sa mga operasyon habang 97 na ang mga nagbalik-loob sa gobyerno.