
Zsa Zsa napraning sa sunod-sunod na pagkawala nina Hajji, Nora, Pilita
SA wakas ay matutuloy na rin ang anniversary concert ng Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla na dalawang taon nang na-delay dahil sa health issues.
Sa katatapos na presscon para sa “Zsa Zsa: Through the Years,” na nakatakdang ganapin sa Samsung Performing Arts Theater sa Ayala Malls Circuit Grounds, Makati sa May 17, ikinuwento ng singer ang naging struggles niya sa kanyang defective left ureter.
Sa loob umano ng dalawang taon, makailang ulit siyang sumailalim sa surgery at hanggang ngayon ay nagte-take pa ng mga gamot/antibiotics para rito.
“I just hope that this will be the last surgery that I’ll have for this,” sey niya patungkol sa ikatlong operasyon para ayusin ang kanyang “megalo ureter.”
“‘Yung 40th (anniversary), umabot na ng 42,” biro niya sa press.
Ayon kay Zsa Zsa, mahigit sampung taon na rin siyang walang solo concert. Ang huli niyang performance sa live stage ay sa Resorts World bago nag-Covid-19 pandemic.
“And so that’s why we’re here today. Tuloy na tayo,” paniniguro ng singer. “Kasi sabi ko, oo, napu-frustrate talaga ako kasi gusto kong i-celebrate ‘yung aking anniversary sa show business because very rare naman, ‘di ba, na makaabot ka na, ‘di ba, medyo active ka pa in show business na 40 years.
“So I think every, you know, 15, whatever, it has to be celebrated, especially now that, ’yun nga, my last message about Hajji Alejandro, it was with a heavy heart really that I was writing it.
“Sabi ko ‘bakit ganu’n? Parang nagsunod-sunod naman ‘yung mga performers, mga singers, and nakakalungkot talaga. Lalo na kay ano talaga, umiyak ako talaga kay Tita Pilita (Corrales) kasi idol ko siya talaga, eh. ’Yung mga idols ko when I was starting my career, I was looking up to Pilita, Celeste Legaspi and Kuh Ledesma. Sila ‘yung mga iniidolo ko talaga,” pagbabahagi pa ni Zsa Zsa.
Naaliw naman ang press sa kwento niya nang maging hurado siya sa “TNT” ng “It’s Showtime” kamakailan.
Ani Zsa Zsa, nagkita-kita sila nina Nonoy Zuniga at Marco Sison, dalawa sa mga kasamahan ni Hajji sa OPM Hitmakers.
“Nakita ko si Nonoy Zuniga. ‘Noy, healthy ka naman, ha? Healthy ka, ha?!’ Tapos nakita ko si Marco Sison, ‘Marco, healthy ka, ha?!’ Natatawa rin sila. Sabi nila, ‘’wag ka namang praning.’ Sabi ko, ‘nakakapraning, eh!’ Alam mo na, nagsunod-sunod naman kasi din.
“Ayun, so lahat ng iniidolo natin, si Ate Guy (Nora Aunor) din siyempre… ang sinulat ko naman sa kanya kasi talagang sobrang idolo siya ng aking lola. Dati kasi, sa bahay namin nu’ng bata ako, mas preferred na tatay ko ang basketball. Siyempre sila ang bida, ‘no? Iisa lang ang TV set, eh, black and white. Ayoko ng palabas. ’Di ko maintindihan ang basketball. Aakyat ako sa lola ko, pag-akyat, sigurado ‘yun, ‘Superstar.’ Sunday, 6 or 7 ng gabi. Sa Channel 9, RPN 9,” pagbabalik-tanaw pa ng Divine Diva.
Kaya naman pangako ni Zsa Zsa, hindi lang basta concert ang “Zsa Zsa: Through the Years” kundi isang gabi ito ng “music, memories and heartfelt moments.”
“It’s not just a concert, but a celebration of an incredible journey, a tribute to all the wonderful mothers (as the event happens around the time of Mother’s Day) and a pre-birthday treat for all of us to enjoy,” sey pa niya.
Siyempre, hindi makukumpleto ang anniversary show kung hindi niya kakantahin ang signature hits niyang “Ikaw Lamang,” “Kahit Na,” “Mambobola,” “Hiram” at marami pang iba na aniya ay bibigyan ng bagong areglo ng musical director niyang si Homer Flores.
“Basta maiiba naman at mai-enjoy nating lahat,” diin niya.
Makakasama niya bilang special guests sina Gary Valenciano, Erik Santos at ang mga anak niyang sina Zia Quizon at Karylle sa ilalim ng direksyon ni Rowell Santiago.
“Let’s relive the songs, stories and unforgettable moments,” ani Zsa Zsa. “I can’t wait to share this evening with you!”
Ang tickets para sa “Zsa Zsa: Through the Years” ay available na online via TicketWorld.