
Yeng game kumanta sa kasal ni Ryan
Ang daming natuwa sa muling paghaharap nina Yeng Constantino at Ryan Bang sa “It’s Showtime” ngayong Martes, Oct. 29.
Sa mga hindi nakakaalam, umamin si Ryan sa isang dating panayam na niligawan niya si Yeng noong 2010, nu’ng dalaga pa ito.
Sa pagkikita nila sa “It’s Showtime” ay kinantiyawan sila ni Darren Espanto.
“May nagre-request. Baka naman sa kasal niya daw, pwede kang kumanta,” sabi ni Darren na ang tinutukoy ay ang nalalapit na kasal ni Ryan with fiancee Paola Huyong.
Sabi naman ni Yeng, “Madlang people, ako naghihintay lang ako ng invitation, eh.”
Tanong ni Ryan sa kanya, “Pupunta ka, punta ka sa kasal ko?”
Sagot naman ni Yeng ay pupunta siya at masaya siya para kay Ryan.
“Pupunta ako. Gusto n’yo sa bahay n’yo puntahan ko kayong dalawa. Ang saya ko para sa ‘yo. Blooming (sabay-turo kay Ryan) eh , blooming,” sabi ni Yeng.
Katakut-takot na kantyaw ang inabot ni Ryan mula sa mga co-host dahil hindi ito agad nakapagsalita.
Nasambit na lang ni Ryan kay Yeng, “Thank you, thank you.”
Tinanong ni Kim Chiu si Ryan ng “iniimbitahan mo ba si Yeng sa kasal mo?”
Sagot naman ng Korean TV host, “Oo naman.”
Sey pa ni Ryan kay Yeng, “Saka ‘yung kanta mo, ‘yung ‘Ikaw’ kung gusto mo Korean version, i-translate ko na lang.”
Pumayag naman si Yeng at aniya, aaralin niya ito para kantahin sa wedding nina Ryan at Paola.